Mukhang magsasampa ng kaso si outgoing Sen. Ramon "Bong" Revilla, Jr. sa mga taong nasa likod daw ng malisyosong social media posts laban sa kaniya, na maaaring naging dahilan umano ng pagkatalo niya sa re-election bid bilang senador sa nagdaang 2025 National and Local Elections.
Matatandaang isang araw matapos ang halalan ay agad nang nagpahayag ng pag-concede si Revilla matapos hindi makapasok sa partial and unofficial election results sa senatorial race, kung saan umabot lamang hanggang kay re-elected Se. Imee Marcos ang top 12.
Ayon sa abogado ni Revilla na si Atty. Raymond Fortun, sa ulat ng ABS-CBN, magsasagawa ng legal remedies ang senador laban sa mga nanira sa kaniya at sa kaniyang pamilya sa online platforms, na nakaapekto raw sa kaniyang reputasyon.
“After consulting with his family, Senator Revilla has decided to defend his and the family's reputation by exercising the legal remedies for people whose reputations are harmed through online platforms (e.g. social media, blogs, websites)," saad ni Fortun.
Dagdag pa niya, "It is his hope that doing so would discourage the use of anonymity or digital platforms to malign others without consequence."
Samantala, wala namang tinukoy ang abogado kung sinong partikular na mga personalidad, entity, o organisasyon ang kanilang unang sasampolan ng demanda.