Nakaladkad ang pangalan ni Senador Robin Padilla sa pagkatalo ng ibang artistang tumakbo sa katatapos lang na 2025 midterm elections.
Sa latest episode ng “Ogie Diaz Showbiz Updates” kamakailan, sinabi ni Ogie na may mga nagsasabing isa umano si Padilla sa dahilan kung bakit nabigong magkaroon ng posisyon sa gobyerno ang ilang kapuwa nito artistang kumandidato.
Marami-rami na rin daw kasing naghihimutok sa madalas na pagpunta ni Padilla sa The Hague, Netherlands kung saan nakapiit si dating Pangulong Rodrigo Duterte samantalang may tungkulin siyang dapat gampanan sa taumbayan bilang senador.
“‘Yong iba sinasabi na dahil sa ginagawa raw ni Robin nagkaroon sila ng ideya na hindi na rin iboto ‘yong ibang artistang tumatakbo. Kaya hindi rin pinalad manalo,” saad ni Ogie.
Usisa tuloy ni Mama Loi, “Sino, Nay?”
“Babanggitin ko pa?” balik na tanong ni Ogie.
Matatandaang tatlong kandidato mula sa showbiz industry ang tumakbo sa kaparehong posisyon ni Padilla noong nakaraang halalan.
Ngunit si Lito Lapid lang ang pinalad lang na makalusot sa tatlo habang sina Willie Revillame at Philip Salvador ay bigong nakapasok sa Magic 12.