Patuloy na pinag-uusapan sa social media ang eskandalong pinakawalan at isiniwalat ng social media personality na si Meiko Montefalco laban sa kaniyang umano'y nagtaksil na mister na si Patrick Bernardino.
Sa Facebook posts ni Meiko, isa-isa niyang ibinuking ang mga nakuhang ebidensya ng umano'y pangangaliwa sa kaniya ni Patrick, na aniya, ay noon pa man nangyayari subalit pinalalagpas lang niya alang-alang sa kanilang anak.
KAUGNAY NA BALITA: Content creator, pinagpiyestahan sa pangongompronta sa umano'y nangaliwang asawa!
Pasabog pa ang isang video kung saan makikitang kinokompronta ni Meiko si Patrick hinggil sa umano'y panloloko nito sa kaniya.
Nagpatulong pa si Meiko sa mga netizen sa paghahanap ng mas matitibay pang ebidensya upang magamit niya sa anumang legal na hakbang laban sa mister.
MAKI-BALITA: Keri magbayad! Meiko, nagpapahanap ebidensya kontra umano'y naglokong asawa
Sa isa pang Facebook post, sinabi ni Meiko na pati ang mga umano'y kaibigan ni Patrick na alam ang "kababuyan" nito at hinayaan lamang ay tila madadamay sa anumang babalakin niya sa mga susunod na araw.
"IDADAMAY KO KAYONG LAHAT," mababasa sa Facebook post ni Meiko, Sabado, Mayo 24.
"Kayong mga kaibigan ng palamunin kong asawa na ang lalakas ng loob tumingin at humarap sa akin kahit alam niyo kababuyan ng asawa ko. Umapak sa pamamahay ko. Tumanggap ng panglilibre ko. May araw kayo."

Hindi naman nagbanggit si Meiko ng pangalan ng kaibigan ng mister na si Patrick na tinutukoy niya at kung anong balak niyang hakbang na gawin laban sa kanila.