Nasakote ng pulisya ang lalaking nag-amok umano at nanaksak matapos hanapin ang lalaking ipinagpalit daw sa kaniya ng dating kinakasama sa Quezon City.
Ayon sa mga ulat, nagtanong at gustong magpasama ng suspek sa biktimang hindi niya kilala para hanapin daw si alyas ‘Panget.’ Matapos ang pag-uusap ay sinaksak ng suspek ang biktima na nagtamo ng galos malapit sa mata.
Sa panayam ng media kay PCAPT. Febie Madrid, isinalaysay niya kung paano humantong sa pananaksak ang suspek.
"Nagkataon na napagtanungan n'ya itong biktima at noong sinagot siya ng biktima na hindi niya kilala yung hinahanap nito ay nainis itong suspek. Naging simula, naging ugat ng kanilang pagtatalo hanggang nauwi sa pananaksak," ani Madrid.
Sinubukan pa raw tumakas ng suspek bitbit ang kitchen knife na kaniyang ipinangsaksak sa biktima ngunit hinabol at kinuyog siya ng mga residente sa lugar.
Napag-alamang dati na raw nakulong ang suspek sa loob ng 10 dahil sa reklamong homicide.
Samantala, iginiit din niya na pawang self-defense umano ang nangyari dahil mainit daw ang ulo ng biktima na kaniyang pinagtanungan—bagay na pinabulaanan ng mga awtoridad.
Nasa kustodiya na ng mga awtodidad ang suspek na nahaharap sa reklamong frustrated homicide.