Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Senator-Elect Camille Villar kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa hindi matitinag na suporta nito na naging susi sa kanyang tagumpay sa nagdaang halalan noong Mayo 12.
“Maraming maraming salamat, VP Inday Sara, sa walang sawang pagsuporta mula simula hanggang dulo. Ang iyong pagkakaibigan at suporta—personal man o politikal—ay napakahalaga para sa akin at sa aking pamilya,” ani Villar.
“Walang iwanan, gaya ng palagi nating ipinapangako sa isa’t isa. Para ito sa sabay nating paglilingkod sa bayan at sa mamamayang ating pinangakuang pagsisilbihan,” dagdag pa niya.
Noong Sabado, ipinaabot din ni Villar ang kanyang pasasalamat sa kanyang pamilya at sa lahat ng tumulong at sumuporta sa kanya sa mahaba at masalimuot na 90-araw na kampanya.
Nangako si Camille Villar na magiging bagong tinig sa Senado—masipag, matatag, at paninindigan ang tama.
Bilang baguhang senador, tiniyak ni Villar na hindi niya bibiguin ang sambayanang Pilipino, dala ang hangaring matupad ang kanilang mga pangarap at mapabuti ang kanilang buhay.