Natanong ang aktor na si Mark Anthony Fernandez tungkol sa eyeglasses niya, ng direktor ng seryeng "Lumuhod Ka sa Lupa" sa TV5 na si Direk Zyro Peralta Radoc.
Sa Tiktok video ng direktor, tinanong niya ang aktor kung bakit isa lang daw ang lente ng suot na salamin sa mata.
Kapansin-pansin ngang ang right side lang ng salamin ang may salamin habang sa left side naman ay wala.
Sagot ni Mark Anthony, aksidenteng nabasag daw kasi ang salamin sa left side matapos tumama sa trunk ng kotse. Tila naging "blessing in disguise" naman daw ito dahil ang totoo niyan, wala raw grado ang kaliwang mata niya. Nagkataong sa left side naman na salamin ang nawala sa "aksidente."
"Isa lang 'yong ano ko [salamin] Direk, 'yong may grado, 'yong kabila walang grado," aniya.
Nang tanungin kung bakit walang grado ang kabila, "Naaksidente siya. Blessing in disguise, nasaraduhan ako no'ng trunk, tapos itong [itinuturo ang left side] hindi naman siya nasira, natanggal lang 'yong salamin, nabasag 'yong salamin pero hindi siya nasira."
Kaya mainam na raw ito para sa mga nagtataka at "nawe-weirduhan" na isa lang ang salamin sa eyeglasses ng aktor.