Pormal nang nanumpa si Manila Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Supreme Court En Banc Session Hall in Ermita, Manila.
Kinumpirma ito ni Domagoso nitong Martes, Mayo 20, sa isang Facebook post.
"Inagahan na natin ang pagtupad sa rekisitos na ito para mailaan na natin ang ating buong panahon at isip sa mas mahahalagang bagay tulad ng pagbibigay solusyon at aksiyon sa mga suliraning kinahaharap at kahaharapin ng ating lungsod," anang bagong-halal na alkalde.
Nanumpa si Domagoso sa Supreme Court En Banc Session Hall kasama ang kaniyang asawa na si Dynee at mga anak na sina Patrick, Frances, Franco, at 1st District Councilor-elect Joaquin Domagoso, na nanumpa na rin.
Pinangasiwaan ni Supreme Court Associate Justice Antonio T. Kho, Jr. ang panunumpa ni Domagoso.
Samantala, inilatag din ni Domagoso ang magiging direksyon ng kaniyang administrasyon.
"Ito ang magiging direksiyon ng ating administrasyon: pamahalaang uunahin ang kapakinabangan ng taumbayan, hindi magiging magarbo sa mga pagdiriwang at sa halip ay maingat na gugugulin ang pera ng bayan para sa mas mahahalagang pagkakagastusan, gaya ng pagtugon sa minimum basic needs ng bawat Manileño--- ito ang pagbibigay ng isang malinis at ligtas na lungsod, disenteng pabahay, de-kalidad na edukasyon, moderno at kumpletong pagamutan, at marangal na trabaho," aniya.