Isang taga-Mandaluyong City ang nanalo ng tumataginting na mahigit ₱331 milyon sa Grand Lotto 6/55 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Napanalunan ng lone bettor ang ₱331,359,271.20 na premyo noong Sabado, Mayo 17, 2025 nang mahulaan niya ang winning combination na 30-29-42-28-02-43.
Ayon sa PCSO, nabili ang winning ticket sa Kalentong, Mandaluyong City sa winning outlet na Ingua, Monica.
Upang makubra ang premyo, kinakailangan lamang ng lucky winner na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang lucky ticket at dalawang balidong IDs.
Nagpaalala naman ang PCSO na ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay mapupunta sa kawanggawa.
Ang lahat naman ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod na rin sa TRAIN Law.