May special mention ang mag-amang dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte sa talumpati ni Senator-elect Imee Marcos sa proclamation ceremony ng mga nanalong senador, ngunit hindi niya binanggit ang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kasama si Marcos sa ipinroklamang senador sa proclamation ceremony ng Commission on Elections (Comelec) sa The Manila Hotel Tent City nitong Sabado, Mayo 17
Sa kaniyang maikling speech, isa sa mga unang pinasamatan ni Marcos ang kaniyang inang si dating First Lady Imelda Marcos na dumalo rin sa seremonya.
“[Salamat] sa aking nanay, na nasa 96 years old na, at kasama ng aking mga anak, na kailanman hindi nagduda na ako'y mananalo,” aniya.
Pinasalamatan din ng senator-elect ang sina FPRRD at VP Sara na patuloy raw siyang sinuportahan sa kaniyang kampanya.
“Kay Presidente Duterte, ang ating dating Pangulo na Oktubre pa lamang itinaas na ang aking kamay, at sa kaniyang anak, na hanggang sa huling sandali si VP Inday Sara ay ako'y kinakampanya,” saad ni Sen. Imee.
“Sa inyong lahat, ang tagumpay na ito, kahit gano'ng kailap at kahirap, ay isang katibayan na kapag ikaw ay nanindigan para sa tama, mananalo ka,” dagdag pa niya.
Samantala, hindi kasama sa mga binanggit ni Sen. Imee sa kaniyang talumpati ang kaniyang kapatid na si PBBM.
Nang tanungin ang senadora kung bakit hindi niya binanggit ang pangulo, sagot niya: “Ay nakalimutan ko na.”Matatandaang ilang araw bago matapos ang kampanya para sa 2025 midterm elections ay kumalas si Sen. Imee sa senatorial slate ni PBBM na “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” kaugnay ng naging pag-aresto kay FPRRD at pagdala sa kaniya sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan.”
Pagkatapos ng pagkalas sa Alyansa, inendorso si Imee ni VP Sara at kalauna’y kinupkop din ng partido ni FPRRD na PDP-Laban.