May 16, 2025

Home BALITA Eleksyon

Toby, sinisi umano ng Alyansa; nagpakana ng impeachment ni VP Sara, sinisi naman niya

Toby, sinisi umano ng Alyansa; nagpakana ng impeachment ni VP Sara, sinisi naman niya
Photo courtesy: Toby Tiangco, Alyansa Para sa Bagong Pilipinas/FB, MB file photo

Iginiit ng campaign manager ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na si Navotas City Rep. Toby Tiangco na siya umano ang nasisisi sa pagtagilid ng kanilang partido sa Mindanao sa katatapos pa lamang na midterm elections noong Mayo 12, 2025.

Sa panayam ng DZBB kay Tiangco noong Huwebes, Mayo 15, 2025, ibinahagi ni Tiangco ang umano’y sisihan na nangyayari sa kanilang partido matapos lumabas ang partial and unofficial result ng Commission on Elections (Comelec) sa senatorial race kung saan lima lamang mula sa 10 pambato nila ang nakapasok sa magic 12—bagay na sa palagay niya ay may kinalaman umano sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

“Hindi naman tayo yung campaign manager na nagmamarunong, sinabi ko talaga kay Presidente [Bongbong Marcos], ‘Sir, yung Mindanao hindi ko po kabisado, hindi ko po alam ang politika diyan. Hindi ko kabisado ‘yan,’ inamin ko ‘yan sa kaniya,” ani Tiangco.

“Alam naman natin kung ano yung nangyari sa Mindanao. This all started noong nag-file ng impeachment. Alam n’yo bago pa lang nagsimula ang eleksyon nagpapa-survey na kami. So mga November, December nagpapa-survey na kami, so natra-track talaga namin yung Mindanao and as soon as na file yung impeachment—which I would make it clear hindi ako pabor, hindi ako pumirma, tingin ko hindi dapat tinuloy—nakita ko na, ipinakita ko na sa aming lahat na nagso-solidify yung Mindanao,” dagdag pa niya. 

Eleksyon

ALAMIN: Final senatorial, party-list ranking sa 2025 midterm elections

Giit pa ng campaign manager, “Pinilit nila yung impeachment, so bakit nila isisisi sa akin yung isang bagay na sila naman ang gumawa? Alam ko naman kung sino ang naninisi nito sa akin eh di yung mga gumawa ng impeachment di ba? Para hindi naman sila ang masisi so dun nagsimula ‘yan.”

Matatandaang noong Disyembre 2024 ng magsunod-sunod ang impeachment cases laban kay VP Sara habang noong Pebrero 2025 naman nang tuluyan siyang ma-impeach sa House of Representatives sa botong 215 sa pangunguna ni Ilocos Norte 1st Rep. Sandro Marcos.

KAUGNAY NA BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte

KAUGNAY NA BALITA: Sandro Marcos, unang pumirma sa impeachment complaint vs VP Sara

Depensa pa ni Tiangco, “Talagang yun eh self-inflicted yun eh, hindi dapat nangyari yun. Pwedeng hindi na-file yung impeachment bakit ba pinilit-pilit yung impeachment na sinabi ko naman sa kanila wala namang mangyayari diyan dahil June 2 pa yan tatalakayin ng Senate. So ganun nga yung nangyari ‘di ba?”

Samantala, nakatakda nang iproklama ng Comelec ang mga nanalong senador sa Sabado hanggang Linggo kung saan lima din mula sa 10 kandidato ng PDP-Laban ang lumusot, kabilang sina Camille Villar at Imee Marcos na isiningit nila sa kanilang partido mula sa Alyansa. 

KAUGNAY NA BALITA: Mga nanalong senador, target maiproklama ng Comelec sa weekend