June 06, 2025

Home BALITA Eleksyon

Rep. Manuel, nagpasalamat sa mga tumulong para 'sumakses' ang Kabataan Partylist

Rep. Manuel, nagpasalamat sa mga tumulong para 'sumakses' ang Kabataan Partylist
Courtesy: Rep. Raoul Manuel/FB

“Nagwagi tayo kahit na dinaya tayo ng gobyernong gumagamit ng pera ng bayan para mangampanya…”

Nagpaabot ng pasasalamat si outgoing Rep. Raoul Manuel sa lahat ng mga bumoto at tumulong upang muling magtagumpay ang Kabataan Partylist nitong nakaraang eleksyon.

Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, Mayo 14, nagbahagi si Manuel ng larawan kasama ang mga kasalukuyang nominees ng Kabataan na sina first nominee Renee Louise Manda Co, second nominee Jose Paolo Mancao Echavez, at third nominee John Peter Angelo Bruel Garcia.

“Mula sa di mauupo kasi di naman na kandidato in the first place (laughing emoji), Madamo gid nga salamat! (Maraming salamat!),” ani Manuel.

Eleksyon

SOCE, ipasa na! — Comelec

“Sa lahat ng mga tumulong at kumilos sa iba't ibang porma, tagumpay natin ito. Alam kong may mga nahirapan sa partylist vote kasi isa lang ang pwedeng piliin, pero nagawa pa rin ng mga Kabataang Pilipino at tagasuporta nito na tiyakin ang nag-iisang boses natin sa Kongreso,” dagdag niya.

Base sa partial at unofficial results ng halalan dakong 9:57 ng umaga nitong Huwebes, Mayo 15, kung saan 97.37% na ang nabilang, nasa rank 40 ang Kabataan Partylist na mayroon nang 308,161 boto, nangangahulugang magkakaroon ito ng isang puwesto sa 20th Congress.

“Nagwagi tayo kahit na dinaya tayo ng gobyernong gumagamit ng pera ng bayan para mangampanya at magmaniobra laban sa mga progresibong kandidato,” saad ni Manuel.

Samantala, sinabi ni Manuel na dahil hindi na siya tumakbo sa kahit anong posisyon nitong 2025 midterm elections, magpapatuloy raw siyang “magsisilbi sa paraang kailangan at naaayon sa aking mga prinsipyo at pangarap para sa bansa natin.”

“And I am very excited to have more time outside Congress to share my knowledge and also learn from the experiences of younger and older ones,” saad ni Manuel.

Opisyal na matatapos ang termino ni Manuel bilang kinatawan ng Kabataan Partylist sa Hunyo 30, 2025.