Lumantad na ang VMX star na si Karen Lopez matapos mapaulat na nawawala at hindi sumipot sa huling taping ng pelikulang kinabibilangan sa nabanggit na production company.
Miyerkules ng gabi, Mayo 14, nagparamdam si Karen sa kaniyang Facebook account at humingi ng tawad sa mga taong nag-alala para sa kaniya.
"Pasensya na talaga kung bigla akong nawala nitong mga nakaraang araw. Nang hihingi po ako ng paumanhin sobrang sorry talaga sa lahat. Kailangan ko lang munang magpahinga at mag-focus sa sarili," mababasa sa kaniyang post.
"Dumaan ako sa mga bagay na medyo mabigat mentally and emotionally, at napagtanto kong kailangan kong unahin ang well-being ko- even if that meant stepping back for a while."
"Alam kong may ilan sa inyo ang nag alala o nagtaka, at sobrang na-appreciate ko ang messages at support ninyo. Slowly, I’m getting better and trying to comeback stronger, one step at a time."
"Salamat sa mga nakaintindi, sa mga nag-reach out, at sa mga patuloy na nandyan. Slowly but surely, I’m getting back on track. Appreciate you all so much!" aniya pa.

Lumantad si Karen matapos maglabas ng pahayag ang Quezon City Police District (QCPD) na wala pang pormal na nagrereklamo sa pagkawala ni Karen.
Pero ayon sa ulat ng PEP, nagsadya na sa pulisya ang ina ng VMX star noong Mayo 8 matapos mawalan ng komunikasyon sa kaniyang pamilya, mahal sa buhay, at mga katrabaho simula pa noong tanghali ng Mayo 5.
Maging ang talent manager ni Karen na si Lito De Guzman ay nangamba na rin daw kung saan naroon ang kaniyang alaga, na 21-anyos.
Salaysay ng talent manager, hindi na raw niya makontak ang alaga matapos umanong sunduin ng jowa sa tinutuluyang condominium unit.
Maging ang boyfriend daw ni Karen, hindi rin makontak.
Hindi rin daw active ang social media platforms nito kaya ninenerbyos na sila kung ano na ba ang nangyari kay Karen.
Hindi rin sumipot ang alaga sa huling shooting nito para sa isang pelikula sa VMX noong Mayo 7. Dito na labis na kinabahan ang talent manager dahil hindi naman daw nale-late sa call time si Lopez.
Kinailangan na raw ibahin ng direktor na si Roman Perez ang storyline at katapusan ng pelikula dahil hindi nga sumipot sa huling shooting ang aktres.
Batay naman sa direktor, pumunta pa sila sa condo unit ni Karen para alamin kung nasa loob ang aktres subalit wala raw sumasagot sa kanilang pagkatok.
Nang silipin naman daw ang CCTV ay nakitang sinundo si Karen ng kaniyang boyfriend, na kinumpirma rin ng security guard.
Sa panayam pa kay Direk Roman, nabanggit daw ni Karen na tutol o hindi gusto ng kaniyang jowa na mag-VMX siya.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang araw nang hindi makontak, 'di sumipot sa taping: VMX star, nawawala?
KAUGNAY NA BALITA: Pagkawala ng VMX star na si Karen Lopez, inireport na sa pulisya
Samantala, hindi naman idinetalye ni Karen kung ano ang kaniyang pinagdaraanan sa kasalukuyan.