Pinasalamatan ni reelectionist Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang lahat ng mga bumoto sa kaniya sa isinagawang 2025 midterm elections nitong Lunes, Mayo 12.
Sa isang Facebook post nitong Martes ng hapon, Mayo 13, nangako si Dela Rosa na hindi niya bibiguin ang lahat ng mga bumoto sa kaniya.
“Baka masyado pang maaga pero ako po’y taus pusong nagpapasalamat sa lahat ng mga nagtitiwala sa akin,” ani Dela Rosa.
“Hindi ko po kayo bibiguin. Sagot ko kayo, itaga nyo sa Bato!” saad pa niya.
Base sa huling update ng unofficial results ng eleksyon 5:48 na hapon nitong Martes kung saan 97.3% na ang nabilang, nasa rank 3 si Dela Rosa na mayroon nang mahigit 20-milyong boto.
Kapag tuluyang nahalal, ito ang magiging ikalawang termino ni Dela Rosa bilang senador ng bansa.
Tumakbo ang senador bilang bahagi ng “DuterTEN” sa ilalim ng partido ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban.