Nasawi ang isang limang buwang sanggol matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay dulot ng landslide sa Sitio Mundohill, Barangay Marilog, Davao City.
Ayon sa mga ulat, nasa duyan ang biktima na pinapatulog umano ng kaniyang 56-anyos na lola nang bigla na lang gumuho ang lupa sa kanilang bahay.
Gumuho at natabunan ng lupa ang kanilang bahay kabilang ang sanggol. Sugatan din ang lola ng biktima na agad namang naitakbo sa ospital ngunit ayon sa mga awtoridad, sa dead on the spot ang nasabing sanggol.
Samantala, napag-alaman ding ilang beses na umanong pinalilikas ng lokal na pamahalaan ang mga nakatira malapit sa lugar ng insidente dahil sa pagiging prone daw nito sa landslide.
Ang sunod-sunod na pag-ulang naitala sa lugar ang nakikitang sanhi ng mga awtoridad sa paglambot at pagguho ng lupa.