May 08, 2025

Home BALITA Eleksyon

‘Tapat sa tao at sa bayan!’ Zubiri, inendorso si Marcoleta sa pagkasenador

‘Tapat sa tao at sa bayan!’ Zubiri, inendorso si Marcoleta sa pagkasenador
Photo courtesy: Sen. Migz Zubiri/FB

Nagpahayag ng suporta si Senador Migz Zubiri sa kandidatura ni Rep. Rodante Marcoleta sa pagkasenador dahil wala umano itong pinapaburan “kundi ang taong-bayan.”

Sa isang Facebook post nitong Huwebes, Mayo 8, nagbahagi si Zubiri ng larawan ng pagtaas niya ng kamay ni Marcoleta.

“Isa sa aking hinahangaan na mambabatas dahil sa kanyang tapat na serbisyo, katapangan at pagiging ma prinsipyo ay si Rodante Marcoleta,” ani Zubiri.

Binanggit ng senador ang kaniya raw naging obserbasyon kay Marcoleta nang makasama niya ito bilang miyembro ng Commission on Appointments ng Kongreso.

Eleksyon

Bam Aquino, Bong Go ibinahagi pag-endorso sa kanila ng JIL Church

Ani Zubiri, nakita raw niya kung paano suriin ng kongresista “ang lahat ng aplikante na dumadaan sa komisyon, makapangyarihan man o hindi.”

“Wala siyang pinapaboran kundi ang taong bayan. Ganyan din ang kailangan natin sa Senado. Tapat sa Tao at sa Bayan,” saad ni Zubiri. 

“Mabuhay ka Ka Dante Marcoleta at pinag dadasal ko na manalo ka itong darating na halalan,” dagdag pa niya. 

Kasama si Marcoleta sa senatorial slate ng PDP-Laban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kilala sa pangalang “Duter10.”

Nakatakda namang isagawa ang 2025 midterm elections sa Lunes, Mayo 12, 2025.