Usap-usapan sa social media ang tatlong miyembro ng Nation's female group na "BINI" dahil sa isang kumakalat na video kasama umano sina Ethan David at Shawn Castro.
Sina Ethan at Shawn ay dalawa sa mga miyembro ang all-male group na "GAT."
Sa walong segundong video ay tila nahusgahan na agad sina BINI Jhoanna, BINI Stacey, at BINI Colet at inakusahan na umano'y nangungunsinti sa "grooming" ng ilang netizens.
Tumutukoy ang "child grooming," "sexual grooming," o "grooming" sa isang anyo ng pang-aabuso na hindi agaran at lantaran kung saan kinukuha muna ng isang mapang-abusong tao ang tiwala ng biktima para mas madali siyang manipulahin o abusuhin, na kadalasan, ay menor de edad. Tinatawag na "groomer" ang taong gumagawa nito.
Ayon naman sa "Child Rights Network (CRN) Philippines," nagiging grooming ang isang tao kapag intensyonal na nakikipagkaibigan ang isang adult sa isang bata o menor de edad para sa kaniyang masamang hangarin.
Sa video, makikita na tila nagkukulitan at pabirong may ginagawang maselang akto sina Ethan at Shawn, at maririnig umano ang natatawang komento tungkol dito mula sa boses ng tatlong babae, na ayon sa mga netizen, ay mula sa mga nabanggit na BINI members.
"Ganiyan ginagawa niya kay Ashley," maririnig na sinabi ng isang babae, na alegasyon ng mga netizen, ay mula umano kay Stacey.
"Oo, sinasabunutan," segunda naman ng isa, na akusasyon pa rin ng mga netizen ay mula umano kay Colet. Isa pang boses ang sumingit at nagsabing "13 years old" na tumutukoy raw sa nabanggit na pangalan.
"Ahhhh 13 years old..." maya-maya ay sabi ng isa pang babae, na paratang naman ng mga netizen, ay mula umano kay Jhoanna.

Kung titingnan ang video, tanging isang BINI member lamang ang makikita sa nabanggit na video na nakaupo sa isang sofa.
Mabigat ang tirada ng mga netizen laban sa tatlo dahil bakit daw ginagawang biro at katatawanan ang tungkol sa "pagpatol" sa menor de edad at "sexual act," lalo't sikat na sikat ang grupo at marami sa mga tagasuporta nila ay menor de edad. Hindi raw ito magandang tingnan lalo't nagsusulong pa mandin daw sila ng "women empowerment."
Sa kabilang banda, may mga netizen at fans naman ang nagtanggol sa grupo lalo pa't "spliced" o hindi naman buo ang kumakalat na video, at unfair daw para sa mga nabanggit na BINI members kung maba-bash sila. Hindi naman daw narinig sa video kung sinaway ba nila sina Ethan at Shawn.
Marami rin ang nagsabing kung may dapat daw mag-explain patungkol sa video, ito raw ay sina Ethan at Shawn dahil sila naman daw ang nagpakita ng kakulitan na kinomentuhan lang umano ng mga nabanggit na BINI members, nang mga sandaling iyon.
Hindi pa naglalabas ng anumang tugon, reaksiyon, o pahayag ang mga nabanggit na BINI members, handlers, o pamunuan ng ABS-CBN tungkol sa usaping ito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.