Emosyunal ang aktres na si Jackie Lou Blanco sa kaniyang eulogy para sa yumaong dating mister na si Ricky Davao.
Ginanap ang ikatlo at huling lamay para kay Ricky sa Heritage Park sa Taguig City. Martes, Mayo 6.
Kahit na naluluha, hindi pa rin naiwasan ng mga nakikinig na hindi matawa lalo na nang ikuwento ni Jackie Lou ang ilang fond memories nila ni Ricky lalo na noong nagsasama pa sila.
Joker daw talaga ang pumanaw na aktor, at noong maliliit pa raw ang mga anak nila na sina Ara at Rikki Mae Davao, madalas daw ay nagpa-prank ito na kunwari ay duguan at mahihiga na lang sa sahig ng bahay, pero ang totoo, hindi niya tinanggal ang props na inilagay sa kaniya sa taping.
Bukod dito, inilarawan ni Jackie Lou si Ricky bilang masinop sa pera. Siya raw ang nagturo sa kaniya na sa bawat natatanggap na suweldo, dapat magtabi ng kahit 20% o 30%.
Aliw rin ang kuwento ni Jackie Lou na sinabi raw sa kanila ni Ricky na mawala na ang lahat huwag lang ang passport.
Sa tuwing bibiyahe raw sila, hindi raw kinalilimutan noon ni Ricky na ipa-photocopy ang kopya ng passports nila. Inilalagay raw ito sa mga bagahe upang kahit daw mawala ang passport, at least daw, may kopya ng mga detalye sa loob nito.
Matatandaang nitong Mayo ay malungkot na ibinalita ang pagpanaw ng batikang aktor at direktor, na ayon kay Ara, ay dahil sa mga komplikasyong dulot ng cancer.
MAKI-BALITA: Ricky Davao, matapang na hinarap mga komplikasyon ng cancer—Ara Davao