Ipinanawagan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa mga ahensya at establisyemento na kilalanin at tanggapin bilang “valid proof of identity” ang National Senior Citizens ID (NSCID) sa lahat ng transaksyon.
Batay sa pahayag ng NCSC noong Martes, Mayo 19, ang digital NSCID, na accessible sa eGovPH App ay maaaring gamitin ng senior citizens para sa mga sumusunod na benepisyo:
- Pagkuha ng 20% na diskwento at Value-Added Tax (VAT) exemption sa mga mga serbisyo at produkto tulad ng gamot, pagkain, at transportasyon.
- Access sa iba’t ibang government services, assistance programs, benefits, at priority accommodation sa mga pampubliko at pampribadong establisyemento.
- Banking, financial, at identity verification transactions, tulad ng account opening, loan applications, at benefit claims.
- Iba pang transaksyon na kadalasang tinatanggap ang Senior Citizen ID.
Sa kaugnay na ulat, ang digital NSCID ay inilunsad ng NCSC noong Agosto 2025, sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Batay pa sa kanilang tala nitong Abril, tinatayang 1.3 milyong senior citizens ang mayroong access sa kanilang digital NSCID gamit ang eGovPH App.