Kinatatakutang nawawala raw ang isa sa mga artist ng VMX (dating Vivamax) na si Karen Lopez na huli raw nakita noong Lunes ng tanghali, Mayo 5.
Batay sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP), nangangamba na raw ang talent manager ni Lopez na si Lito De Guzman kung saan naroon ang kaniyang alaga, na 21-anyos.
Salaysay ng talent manager, hindi na raw niya makontak ang alaga matapos umanong sunduin ng jowa sa tinutuluyang condominium unit.
Maging ang boyfriend daw ni Karen, hindi rin makontak.
Hindi rin daw active ang social media platforms nito kaya ninenerbyos na sila kung ano na ba ang nangyari kay Karen.
Hindi rin sumipot ang alaga sa huling shooting nito para sa isang pelikula sa VMX, ngayong Miyerkules, Mayo 7. Dito na labis na kinabahan ang talent manager dahil hindi naman daw nale-late sa call time si Lopez.
Kung susumahin, dalawang araw nang "nawawala" ang dalaga.
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang update kung may balita na ba tungkol sa kaniya at maging sa umano'y boyfriend na sumundo sa kaniya sa condo unit at hindi rin makontak.
Ito ay isang developing story.