Binasbasan ni Jesus is Lord (JIL) Church founder at CIBAC party-list Rep. Brother Eddie Villanueva si reelectionist Senator Bato dela Rosa, ilang araw bago ang 2025 midterm elections.
Sa isang Facebook post nitong Martes, Mayo 6, ibinahagi ni Dela Rosa ang mga larawan kung saan ipinagdasal siya ni Villanueva.
“Thank you for the blessing Cong. Brother Eddie Villanueva and the Jesus is Lord Church,” ani Dela Rosa sa kaniyang post.
“Your prayers and words of wisdom are like an armor that I suit up before I go to war,” dagdag niya.
Habang sinusulat ito’y wala pa namang opisyal na anunsyo ang JIL o ni Villanueva kung ineendorso nila si Dela Rosa sa halalan.
Matatandaang noong Linggo, Mayo 4, nang iendorso ng simbahan ang limang senatorial candidates na sina reelectionist Senator Pia Cayetano, dating Senador Manny Pacquiao, dating Senate President Tito Sotto, dating Senador Panfilo Lacson, at dating Senador Kiko Pangilinan.
MAKI-BALITA: JIL Church, nag-endorso ng 5 senatorial candidates
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa darating na Lunes, Mayo 12, na idineklara nang special non-working holiday ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
MAKI-BALITA: PBBM, idedeklarang holiday ang Mayo 12, 2025