Inatasan ng Office of the Ombudsman ang limang matataas na opisyal ng pamahalaan na maghain ng counter-affidavit sa reklamong isinampa ni Senador Imee Marcos kaugnay ng naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Base sa order na inilabas ng Ombudsman nitong Martes, Mayo 6, inatasang sumagot sa reklamo ang mga sumusunod na opisyal ng gobyerno:
Justice Secretary Jesus Crispin Remulla;
Interior Secretary Jonvic Remulla;
Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil;
PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Maj. Gen. Nicholas Torre, at
Special Envoy on Transnational Crimes Markus Lacanilao.
"Failure to file Counter-Affidavit within the aforesaid period shall be deemed as waiver of respondents' right to submit controverting evidence and the preliminary investigation shall proceed accordingly," nakasaad sa dokumento ng Ombudsman.
Matatandaang noong Mayo 2 nang personal na nagtungo si Marcos sa opisina ng Ombudsman upang paimbestigahan ang limang matataas na opisyal ng gobyernong sangkot sa naging pag-aresto kay dating Duterte at pagdala sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) noong Mayo 11.
MAKI-BALITA: Sen. Imee, inireklamo 5 top gov’t officials na sangkot sa pag-aresto kay FPRRD
Bago ang paghain ng reklamo, noong Abril 28 nang sabihin ni Marcos, chairperson ng Senate Commitee on Foreign Relations, na base raw sa kanilang imbestigasyon sa Senado, lumabas na “politically motivated” umano ang nangyaring pag-aresto kay Duterte.
Ayon pa sa senadora, planado umano ng administrasyon ang pag-aresto sa dating pangulo upang pabagsakin ang mga Duterte.
Matatandaan ding hindi naman sinang-ayunan ng kaniyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos ang naturang pahayag ng senadora.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-react sa findings ni Sen. Imee sa pag-aresto kay FPRRD: ‘I disagree!’
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Marso 11, dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD