Nagkomento si Vice President Sara Duterte sa viral video na kinasasangkutan ng kaniyang kapatid na si Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte hinggil sa umano’y pambubugbog at pananakot niya sa isang negosyante.
Sa ambush interview ng media kay VP Sara sa Zamboanga City noong Sabado, Mayo 3, 2025, iginiit niyang pawang pang-aatake lang daw ang ibinabato sa kaniyang kapatid.
“Every time nagkakaroon sila ng issue, malaking isyu na kabalbalan na ginagawa nila, ang kanilang pang-cover sa mga issue na ito ay atakihin yung kalaban nila sa politika,” anang Pangalawang Pangulo.
Matatandaang noong Mayo 2 nang kumpirmahin ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na tuluyan daw sinampahan ng reklamong physical injuries at grave threats ng biktima si Rep. Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Pulong Duterte, kinasuhan ng 'physical injuries, grave threats'
Samantala, depensa naman ni Rep. Pulong sa naturang isyu, “If they cannot beat you with aid, they will beat you with ‘I will file a case against you.’ That is the new politics in the Philippines now – dirty politics. We’re already used to it.”
KAUGNAY NA BALITA: Pulong Duterte, iginiit na ‘gawa-gawa’ lang ‘ebidensya’ sa kasong isinampa laban sa kaniya