Nagpahayag ng pagkadismaya si Jinkee Pacquiao laban umano sa mga nagkalat na paid ads sa social media laban sa kandidatura ng kaniyang asawang si Pambansang Kamao at senatorial aspirant Manny Pacquiao.
Sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Mayo 2, 2025, inalmahan niya ang pagtawag umano sa kaniyang mister na isa raw "clown."
"Ang daming paid ads sa feed ko. Here’s one saying that Manny is a 'CLOWN'. Mas funny yung idea na they spend a lot of money in running negative campaign," ani Jinkee.
Pinuna niya rin ang paggastos daw ng mga indibidwal na nasa likod ng paid ads, sa halip na tumulong na lang daw sa mga nangangailangan.
"Instead of helping those in need, mas gusto nila manghamak, mag-hate and troll. Laki mga pera ng mga kalaban ni Manny sa senate," aniya.
Samantala, makikita naman sa in-upload na larawan ni Jinkee na tinatayang nasa ₱4,000 hanggang ₱5,000 naglalaro ang presyo ng nasabing negative ads laban sa kaniyang asawa.