Naglabas ng sentimyento ang showbiz insider na si Ogie Diaz kaugnay sa sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang pag-iimbestiga ng Palasyo sa PrimeWater ay politically motivated.
Matatandaang sinabi ito ni VP Sara matapos ianunsiyo ng Malacañang na iimbestigahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kakulangan ng serbisyo ng nasabing water utility company.
MAKI-BALITA: PBBM, paiimbestigahan reklamo sa 'kakulangan' sa serbisyo ng PrimeWater
Kaya sa kaniyang bukas na liham nitong Biyernes, Mayo 2, sinabihan ni Ogie si VP Sara na magpaawat muna sa politika.
“Gusto ko lang po sabihing hindi politically motivated ang probe na gagawin ng Malacanang sa mga kakulangan at kahinaan ng Primewater sa kanilang pagseserbisyo sa mga consumers. Awat na po muna sa politika,” saad ni Ogie.
“At hindi rin po ito isolated case,” pagpapatuloy niya. “Halos lahat ng nasa ilalim ng PrimeWater, affected talaga. “
Dagdag pa niya, “Meron po kasing mga resibo, mga testimonya ang ating mga kababayan kung gaano kahirap ang tubig sa kanilang lugar na hawak ng PrimeWater.”
Kaya naman, hinimok ni Ogie na magsagawa ang bise-presidente ng sarili nitong imbestigasyon para maging malay din sa isyu.
Bukod dito, humirit din siya kay VP Sara na dahil malapit ang huli kay senatorial aspirant Camille Villar, ilambing daw sa pamilya nitong solusyunan ang matagal nang problema ng maraming Pilipino.
“Kung mahal nyo po sila, patulong naman po. Alam kong hindi nyo sila kayang tiisin. Nakikiusap, Mama Ogs,” pahabol pa ng showbiz insider.