Patay ang isang lalaking canteen helper matapos pagsasaksakin umano ng isang Barangay tanod sa Ermita, Maynila.
Ayon sa ulat ng Frontline Pilipinas noong Martes, Abril 29, 2025, sumugod ang suspek sa mismong canteen kung saan nagtatrabaho ang biktima at doon niya ito inundayan ng saksak gamit ang isang katana o samurai sword.
Lumalabas sa imbestigasyon na selos umano ang motibo ng suspek dahil sa kaniyang hinalang kalaguyo umano ng kaniyang misis ang biktima.
Samantala, agad ding sumuko sa Manila Police District ang suspek kung saan narekober sa kaniya ang nasabing samurai sword at isa pang kitchen knife na hinihinalang ginamit din umano ng suspek laban sa biktima.
Sa panayam ng media sa suspek, iginiit niyang labis umano siyang nasasaktan sa ginawa ng kaniyang asawa.
“Masakit po talaga sa akin kasi no read, no write po ako. Lahat ng pinaghirapan ko, binuhos ko po sa kaniya. Alam ng taumbayan ‘yan, dahil kahit ako ganito, sa sobrang sipag ko, mabait ako, kilala ako ng taumbayan po. Ginawa lang akong panakip-butas,” saad ng suspek.
Kasalukuyan ng nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa reklamong murder.