Patay ang isang lalaki sa Tarlac City na nagtangka umanong nakawin ang 11 manok na panabong matapos niyang makaengkwentro ang pulis na nagmamay-ari sa mga ito.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon noong Biyernes, Abril 25, 2025, nagising ang pulis sa tahol ng kaniyang aso dahil umano sa pagdating ng lalaki at iba pang kasamahan.
Mismong ang pinagnakawang pulis ang nakakitang isinasakay na sa tricycle ang kaniyang mga alagang manok, dahilan upang sitahin niya ito. Sa halip umanong tumakbo, pinaputukan daw siya ng suspek ngunit hindi naman siya tinamaan.
Bumalik daw ang pulis sa kaniyang bahay upang kuhanin din ang sariling baril at saka hinabol ang mga suspek.
Doon na raw nagkaroon ng engkwentro ang mga kawatan at ang pulis kung saan napatay ang isang suspek at dalawa pa ang nasugatan habang nakatakas pa umano ang isa sa mga salarin.
Narekober sa crime scene ang .38 na baril, ang tricycle na pinagsakyan sa mga manok na hindi umano bababa sa ₱132,000 ang halaga.