Patay ang isang 9 na taong gulang na batang lalaki matapos umano siyang makuryente nang akyatin ang isang gate sa bakuran ng kapitbahay.
Ayon sa mga ulat, iginiit umano ng lola ng biktima na naglalaro lang daw ang kaniyang apo nang mangyari ang aksidente.
Samantala, isang netizen din ang inulan ng batikos matapos umano nitong i-live sa Facebook ang nangyayari sa biktima. Tinatayang tumagal din umano ng 20 minuto bago tuluyang masagip ang katawan ng nakukuryenteng bata.
Nagawa pang maisugod sa ospital ang biktima ngunit kalauna'y binawian din siya ng buhay.
Depensa naman ng may-ari ng bakuran kung saan nakuryente ang bata, sadya raw na may live wire sa bahagi ng gate ng kanilang bakuran dahil ilang beses na umano silang ninakawan. Hindi rin daw sila nagkulang sa paalala sa kanilang mga kapitbahay.
Hindi pa tiyak kung nagsampa ng kaukulang reklamo ang pamilya ng biktima laban sa may-ari ng naturang bakuran.