May nilinaw ni aspiring Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa umano'y utang na loob niya sa yumaong si dating Manila City Mayor Danny Lacuna.
Si Danny ay nagsilbi bilang ika-17 alkalde ng lungsod at ama ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Mayor Honey Lacuna.
Sa kaniyang campaign rally sa District 2 sa Tondo noong Huwebes ng gabi, Abril 24, 2025, iginiit niyang mas malaki umano ang utang na loob niya sa taumbayan.
"Ako may utang na loob kay Danny Lacuna. ‘Yan ay di ko ikinaila. Hindi ko ipinagkait o itinanggi… bilang ganti at pagtanaw ng utang na loob kay boss Danny, inaruga ko ang kaniyang mga anak," ani Isko.
Paglilinaw pa niya, "Baka naman pupwede sa ibang bagay na lang ako tumanaw ng utang na loob. Bakit? Eh may utang na loob din naman ako sa taumbayan eh."
Matatandaang isa si Danny sa mga tumayong political mentor ni Isko at siya umanong tumustos noon sa kaniyang pag-aaral.
Taong 2019 nang maging alkalde ng Maynila si Isko habang 2022 naman nang bakantihin niya ito para sa Presidential seat at ipinaubaya ang posisyon kay Honey.
Habang noong Oktubre 2024 nang opisyal na maghain ng kandidatura si Isko sa pagtatangkang muli siyang makabalik bilang alkalde ng Maynila ngayong 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-Mayor Isko: 'Ang worry nila naging dugyot ulit ang Maynila'