April 24, 2025

Home BALITA National

ITCZ, nakaaapekto sa Mindanao; easterlies, naman sa mga natitirang bahagi ng PH

ITCZ, nakaaapekto sa Mindanao; easterlies, naman sa mga natitirang bahagi ng PH
(Balita photo)

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Abril 24, na ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang kasalukuyang nakaaapekto sa Mindanao habang easterlies naman ang umiiiral sa mga natitirang bahagi ng bansa.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang ITCZ—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, Davao Occidental, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Malaki rin ang tsansang magdudulot ang ITCZ ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao.

National

Malacañang, nagdeklara ng 'National Mourning' sa pagpanaw ni Pope Francis

Samantala, inaasahan ding magdadala ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).