June 08, 2025

Home BALITA National

'Huwag maging anay!' Usec. Castro, binuweltahan reaksyon ni VP Sara sa ₱20 na bigas

'Huwag maging anay!' Usec. Castro, binuweltahan reaksyon ni VP Sara sa ₱20 na bigas
MULA SA KALIWA: Presidential Communications Undersecretary Claire Castro at Vice President Sara Duterte (File photo)

Binuweltahan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary ang naging patutsada ni Vice President Sara Duterte na “panghayop” umano ang ₱20 per kilo na bigas ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakatakdang unang ilunsad sa Visayas.

Matatandaang noong Miyerkules, Abril 23, nang ianunsyo ng PCO ipatutupad na ng pamahalaan ang pagbebenta ng ₱20 kada kilo ng bigas sa Visayas, matapos daw pulungin ni Marcos ang mga gobernador ng rehiyon.

Samantala, sa isa namang panayam noon ding Miyerkules ay iginiit ni Duterte na hindi umano pantao ang bigas na ibebenta sa halagang ₱20 per kilo, dahil ito raw ang bigas na “pinapakain sa baboy.”

Bukod dito, sinabi rin ng bise presidente na pakana lamang umano ng administrasyong Marcos ang ₱20 per kilo lalo na’t nalalapit na ang 2025 midterm elections sa Mayo.

National

50% ng mga Pilipino, aminadong naghihirap pa rin—SWS

MAKI-BALITA: ₱20 na bigas ng PBBM admin, kinontra ni VP Sara: 'Hindi pantao, panghayop'

Sa isa namang press briefing nitong Huwebes, Abril 24, kinuwestiyon ni Castro ang negatibong komento ni Duterte, at binanggit na nagsusumikap daw si Marcos at ang pamahalaan upang mabili ng mga Pilipino ang bigas sa murang halaga.

“Unang-una po, matagal na po nilang iniisyu na mukhang hindi kakayanin ng Pangulo ang aspirasyon na magkaroon at mag-deliver ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo. Ngayon po, na unti-unting natutupad ang aspirasyon na ito ng Pangulo, bakit muli na naman silang nagsasalita, nagiging negatibo?” ani Castro.

“Muli, uulitin natin, ang gusto po ng Pangulo, ng Pangulong Marcos, ay ma-deliver sa taumbayan ang bigas sa murang halaga. Noon pa po ito. Pero ngayon po’y nagsusumikap ang ating pamahalaan, ang ating Pangulo na matupad ang aspirasyon na ito,” dagdag niya.

Hiniling din ng PCO Usec. kay Duterte at iba pa raw mga lider na bansa na suportahan ang pangulo at huwag umanong “maging anay ng lipunan.”

“Sana po sa mga lider, ang tunay na lider at tunay na Pilipino ay dapat sumusuporta sa kapwa-Pilipino, lalong-lalo na sa pinuno ng bansa,” saad ni Castro.

“Huwag sanang pairalin ang crab mentality at huwag maging anay sa lipunan. Magkaisa tayo para matupad ng Pangulo at ng pamahalaan ang mga aspirasyon para sa taumbayan,” dagdag pa niya.