Ibinahagi ng biological son ng pumanaw na National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor na si Ian De Leon na tila naramdaman na raw ng ina ang mangyayari sa kaniya bago siya tuluyang sumakabilang-buhay noong Miyerkules Santo ng gabi, Abril 16.
Sa panayam kay Ian ng "24 Oras" ng GMA Network, isiniwalat ni Ian kung ano ang huling chat message sa kaniya ng ina bago siya tuluyang magpaalam sa mundo.
Nakiusap daw si Ate Guy na i-kiss at i-hug ni Ian ang mga apo niya sa mga anak, kasabay ng pagsasabing mahal na mahal niya sila.
"‘Anak, pakihalik mo ako sa mga apo ko. Hug mo ‘ko sa kanila. Sabihin mo sa kanila na mahal na mahal ko sila," kuwento ni Ian.
Sinalag naman ito ng aktor at sinabihan ang ina na "Ma, 'wag kang ganiyan" dahil lalabas pa raw silang pamilya para ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.
Si Ian din ang unang nagkumpirmang sumakabilang-buhay na ang kanilang ina.
MAKI-BALITA: Ian De Leon, pamilya, nagsalita sa dahilan ng pagkamatay ni Nora Aunor
Siya rin ang nagsabing ang cause of death ni Ate Guy ay acute respiratory failure matapos ang operasyon sa puso.
MAKI-BALITA: Acute respiratory failure, ikinamatay ni Nora Aunor