Humingi ng paumanhin si Silang, Cavite reelectionist Atty. Kevin Anarna matapos siyang patawan ng show cause order ng Commission on Elections (Comelec) bunsod ng kontrobersyal niyang pahayag sa mga solo-parents sa kanilang lugar.
Ayon sa ulat ng GMA Integrated News nitong Linggo, Abril 13, 2025, naglabas umano ng pahayag si Anarna noong Sabado, Abril 12 kung saan iginiit niya ang pagpapakababa ng kaniyang loob.
“Walang anumang salita ang dapat makasakit sa dangal at sakripisyo ng ating mga solo parents. Ako po ay buong kababaang-loob na humihingi ng paumanhin at higit pa roon, nais kong patunayan sa aksyon ang aking suporta sa inyo,” ani Anarna.
Saad pa niya, “Ang pagkakamaling ito ay nagbigay sa akin ng mas malalim na pag-unawa sa inyong mga pinagdaanan at pangangailangan. Ang aking administrasyon sa ating mahal na bayan ng Silang ay kakampi ninyo.”
Matatandaang kamakailan lang ng pagpaliwanagin ng Comelec si Anarna dahil umano sa mahalay niyang pahayag sa isang senior citizen at mga solo-parents sa kasagsagan ng kaniyang campaign rally noong Marso 29.
KAUGNAY NA BALITA: Silang, Cavite mayoral bet, nakatikim ng show cause order sa Comelec: ‘Si lola nilap*** pa ako!’