Sumalang sa phone call interview ni Ogie Diaz ang komedyanteng si Dennis Padilla matapos pumutok ang balitang tinrato lamang siya bilang "guest" sa kasal ng anak niyang si Claudia Barretto, sa ngayon ay asawa na nitong si Basti Lorenzo noong Martes, Abril 8.
Matatandaang naglabas ng sama ng loob si Dennis sa kaniyang social media platforms matapos na dumalo sa kasal ng anak subalit hindi siya ang naghatid sa anak patungong altar.
Sa panayam kay Ogie nitong Miyerkules, Abril 9, binalikan ni Dennis ang naging dinner niya sa mga anak noong Marso 18, na sana raw, sinabi na lamang agad sa kaniya na hindi siya kasama sa entourage o sa programa ng kasal.
Batay rin sa pag-uusap nila sa parehong dinner, sinabi rin sa kaniya ni Claudia na "I want you to look good Papa on that day" sa kasal, kaya naramdaman daw ni Dennis na may mahalaga siyang partisipasyon sa kasal.
Naibahagi pa ni Dennis na nagkausap pa raw sila ng anak ilang oras bago maganap ang kasal, at emosyunal na nagbahagi itong parang hindi na matutuloy ang kasal dahil one week daw bago mangyari ang big event, hindi umano nakikitaan ni Claudia ng interes ang boyfriend sa kanilang pag-iisang dibdib.
Payo pa raw ni Dennis, kung feeling ni Claudia ay ayaw niyang tumuloy sa kasal, okay lang daw iyon at tiyak na maiintindihan ito ng mga tao, lalo na siya bilang ama.
Ngunit isang oras matapos ang pag-uusap nila ng anak, tumawag daw ulit ang anak para sabihin sa kaniyang tuloy na ang kasal. Wala nang tanong-tanong, agad daw na nagbihis ulit si Dennis at dumiretso sa Caloocan City para sunduin ang nanay niya. Pagkatapos, dumiretso na raw sila sa simbahan.
Nang magsimula na nga ang entourage, dito nga ay nalaman na ni Dennis na hindi siya ang maghahatid kay Claudia patungong altar. Ibayong sakit daw ang naramdaman ng ama, na "most painful moment" daw sa kaniya kaysa sa mga nagdaang events sa buhay ng mga anak na wala ang presensya niya rito. Hindi na raw napigilan ni Dennis na maiyak habang pinapanood ang paglakad ng anak.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo nina Marjorie Barretto o ni Claudia Barretto tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.
KAUGNAY NA BALITA: Dennis Padilla, binudol daw ng anak: 'Father of the bride naging visitor'
KAUGNAY NA BALITA: Gene Padilla, dismayado sa pamangkin sa 'di pagsama kay Dennis sa wedding entourage
KAUGNAY NA BALITA: Kahit nakiusap daw: Claudine Barretto, 'di invited sa kasal ni Claudia