April 17, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

JK Labajo, binuyo si Kyle Echarri na upakan si Daniel Padilla?

JK Labajo, binuyo si Kyle Echarri na upakan si Daniel Padilla?
Photo courtesy: via Balita

May ispluk ang batikang showbiz insider na si Cristy Fermin hinggil sa pinag-usapang kamuntikan nang magrambulan sina Daniel Padilla at Kyle Echarri sa naganap na after-party ng ABS-CBN Ball noong Biyernes, Abril 4.

Nagsusulputan ang iba't ibang bersyon tungkol dito, na ang sabi, hindi raw nagustuhan ni Daniel ang pagiging touchy ni Kyle sa ex-girlfriend niyang si Kathryn Bernardo, kaya nang magpang-abot ang dalawang Kapamilya stars ay nagkainitan sila. Umawat naman daw sa kanila sina JK Labajo at Richard Gutierrez.

KAUGNAY NA BALITA: Daniel Padilla at Kyle Echarri, muntik magrambulan dahil kay Kathryn Bernardo?

Sa "Cristy Ferminute" noong Lunes, Abril 7, iba naman ang bersyon na inilahad ni Cristy, na mula naman sa isang source. Kontra sa mga naunang lumabas na tsika, si Kyle daw ang unang lumapit kay Daniel na noon ay nananahimik lamang daw.

Tsika at Intriga

Andre Paras, niresbakan content creator na minalisya ang kapatid niya

"Meron silang pinag-usapan na parang tumigas ‘yong salita no'ng Kyle kay Daniel. Tahimik si Daniel, ha?" sey ni Cristy.

Sa puntong ito ay nadawit na rin ang mga pangalan ng singer-actor na si JK Labajo at aktor na si Richard Gutierrez. 

"May umaali-aligid, si JK Labajo, si JK. Panguso-nguso na para bang ‘Upakan mo na, upakan mo na!’ Parang gano'n. Miron! Ang nangyari, nakita ni Richard Gutierrez ‘yong ginagawa ng dalawa kay Daniel na nananahimik. Anong inaasahan mo na gagawin ni Richard? Natural, aawat, ‘di ba?”

"Alam mong ginawa sa kaniya ni JK Labajo? ‘Bakit ka nandito? Anong gusto mo?’ Ay... hinamon ng suntukan. Ang tapang! Si Richard Gutierrez... mga Kapatid, kailangan pa ba naming ilarawan sa inyo kung gaano kagaling sa action scenes itong si Richard Gutierrez?"

Mabuti na lamang dw at nagsidatingan na ang mga security personnel at inawat na sila.

Nilinaw rin ni Cristy na hindi raw si Kathryn ang puno't dulo ng away, dahil ang totoo raw, ni hindi raw hinanap ni Daniel kung nasaan ba ang ex-GF nang mga sandaling nagaganap ang ball.

Pero ang naloloka raw si Cristy, mga nagsisimula pa lamang daw sa showbiz sina Kyle at JK pero ganoon na raw kung makaasta.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ng mga nasasangkot na aktor sa nabanggit na gulo. Bukas ang Balita sa kanilang panig.