Pinagpapaliwanag ulit ng Commission on Elections (Comelec) si Pasig congressional candidate Atty. Ian Sia dahil naman sa kaniyang pahayag tungkol sa "physical appearance" ng kaniyang babaeng assistant.
Sa panibagong show cause order ng Comelec, nakalahad ang naging pahayag ni Sia sa isang campaign activity noong Abril 3, 2025 na: "Kahit po ang mga staff ko po, tipikal po, puro lalaki, isa lang ho ang kasama kong babae nung araw. Isa lang po ang kasama kong babae, si Jaja. Nasaan si Jaja? Nagdadiet ba? Magpakita ka lang, para di ka pagselosan. Asawa ni Eweng, ka-batch ko. Ngayon kasama na ho ni Atty. Tantan... Magpakita ka lang Jaja. Yan. Yan ho ang staff. Jaja, ano ba hitsura mo nung nakaraang labinlimang taon, payat? Ah hindi, nung nakuha ka na ni Eweng. Mataba ka na. Nung magkasama pa lang tayo, ito na ang katawan ni Jaja. Give or take. Ilabas mo na lang yung picture. Huwag na tayong magtalo dito sa harap. Ang point ko ho, iyan po ba ang magiging staff ng manyak? Di ho. Ang kasama ko naman ngayon, asawa ni Kuya Mario, si Ate Olive. Fifty-nine years old. Di ho. Pagdating po sa babae, malinaw po, ang babae ay nirerespeto at minamahal."
Dahil sa naturang pahayag ni Sia, kailangan niyang magpaliwanag sa Comelec sa loob ng tatlong araw.
Matatandaang kamakailan lang ay naglabas din ng show cause order ang Comelec para kay Sia dahil sa bastos na biro nito patungkol sa mga single mom.
BASAHIN: Atty. Ian Sia, maaaring patawan ng election offense o disqualification
Samantala, habang isinusulat ito, wala pang pahayag si Sia hinggil sa panibagong show cause order.
KAUGNAY NA BALITA: Shamcey Supsup, kumalas na sa kaniyang partido sa Pasig