Dead on arrival ang isang 22 taong gulang na lalaki sa Malabon matapos umanong kuyugin ng grupo ng magkakamag-anak matapos niyang subukang umawat sa rambol sa kanilang lugar.
Ayon sa ulat ng Frontline Pilipinas Weekend noong Linggo, Abril 7, 2025, nagtamo ng iba’t ibang saksak at palo sa ulo ang katawan ng biktima, matapos siyang ipitin sa pagitan ng gate.
Batay umano sa kuha ng CCTV sa lugar kung saan nangyari ang krimen, pumunta ang grupo ng mga suspek sa isang compound kung saan kinausap ang ilang residente. Makalipas ang ilang minuto, nagkagulo ang grupo ng kalalakihan na nauwi sa pisikalan.
Sinubukan umanong umawat ng biktima ngunit siya ang binalingan ng mga ito. Hinarang umano ng mga suspek ang biktima at saka pinagtulungang bugbugin. Nahagip din sa CCTV ang isang babaeng nagbigay ng tubo sa isa sa mga suspek na siyang ipinanghataw sa biktima.
Samantala, agad namang natimbog ng pulisya ang mga salarin kung saan ang isa sa kanila ay sinubukan pa raw magtago sa loob ng isang tangke ng tubig.
Tinatayang hindi bababa sa pitong suspek na pawang magkakamag-anak ang nasakote ng mga awtoridad na nahaharap sa reklamong murder.