Usap-usapan ang X post ng isang netizen patungkol sa Sparkle GMA Artist at bagong pasok sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition na si Vince Maristela.
Ipinakilala si Vince bilang "Charming Bro-Next-Door ng Cainta," na kasama naman ng Star Magic artist na si Emilio Daez na pumasok na rin sa Bahay ni Kuya noong weekend.
Pero hindi pa man lubusang nakikilala ng madla si Vince, pinag-uusapan naman ang isang X post ng isang netizen na nagngangalang "fonso."
Saad niya na tinutukoy si Vince, "walang 'tong ambag sa groupworks nung college eh HAHAHA."

Kung bibisitahin daw ang account niya habang isinusulat ang artikulong ito, mukhang nag-private na raw ng account ang nabanggit na netizen, subalit nakapag-screenshot na ang marami at pinulutan na ito sa usapan. Hindi naman tinukoy ng nabanggit na netizen kung kilala ba niya nang personal si Vince at may bad experience talaga sa kaniya o "naninira" lamang siya.
Kaya naman, umani ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens. May mga tila naniwala subalit mas marami naman ang nagsabing huwag magpapaniwala sa mga post ngayon na may layuning manira lang at nagpapakalat ng mga kuwentong walang basehan.
"ang lala, binigyan agad ng bad impression sa mga tao."
"naku guys kawawa naman 'yong tao, nasa loob ng Bahay ni Kuya at hindi niya mapagtatanggol sarili niya."
"Kakapasok pa lang pinuksa na agad. HAHAHAHA."
"Nak@dayalektika Paano namin malalaman na legit o totoo yan tweet mo if alt account lang na tulad mo ang nag post? Proof nga."
"This is pinoy coded lol Isip talangka masking on being truthful."
"Ang aga manira ng buhay ni beshy"
Maging sa Facebook landia ay nakarating na rin ang isyu at pinag-usapan na nga sa iba pang pages, gaya na lamang ng "Truth Slaps."
Mababasa sa caption, "New PBB housemate Vince Maristela has gone viral after an alleged college classmate claimed that he did not contribute to their group work, saying: 'Wala tong ambag sa groupworks nung college eh.'"

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o opisyal na pahayag ang kampo ng Sparkle GMA Artist tungkol sa tsikang ito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.