Patay ang isang 68-anyos na lola at ang kaniyang limang taong gulang na apo habang sugatan naman ang tatlo pang residente sa Purok Lumboy, Barangay Panangban, Compostela, Cebu matapos umanong pasukin ng hinihinalang adik ang kani-kanilang tahanan nitong Lunes, Marso 31, 2025.
Ayon sa mga ulat ng ilang regional news outlet, naunang pasukin ng suspek ang bahay ng maglola matapos siyang dumaan sa bintana at saka niya pinagsasaksak ang mga biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na sumunod umanong puntahan ng suspek ang kapitbahay ng maglola matapos niya ring dumaan sa bintana. Tatlong mag-iina ang nasugatan matapos silang manlaban at puruhan ang suspek gamit ang isang martilyo.
Samantala, matapos ikasa ang follow-up operation, agad ding nasakote ng pulisya ang duguang suspek kung saan narekober sa kaniya ang patalim na ginamit sa krimen.