April 01, 2025

Home BALITA National

‘Nasa alert level 3 pa rin!’ 14 pagyanig, naitala sa Kanlaon – Phivolcs

‘Nasa alert level 3 pa rin!’ 14 pagyanig, naitala sa Kanlaon – Phivolcs
Bulkang Kanlaon (File photo)

Umabot sa 14 volcanic earthquakes ang naitala sa Bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Marso 30.

Base sa tala ng Phivolcs, kabilang sa 14 pagyanig na sa Kanlaon ang isang volcanic tremor na tumagal ng 86 minuto.

Nananatili raw mataas ang aktibidad ng Kanlaon na nakataas pa rin sa Alert Level 3 (magmatic unrest).

Nito lamang Sabado, Marso 29, isang beses na nagbuga ng abo ang bulkan na tumagal ng 86 minuto.

National

Atty. Nicholas Kaufman, nagbabalak mag-file ng 'interim release' para kay FPRRD

Naglabas din ang bulkan ng 2,258 tonelada ng sulfur dioxide.

Bukod dito, naitala sa namamagang bunganga ng Bulkang Kanlaon ang 500 metrong taas na plume (o walang patid na pagsingaw) na napadpad pakanluran.

Wala ring patid ang pagsingaw ng bulkan, saad ng ahensya.

Dahil dito, nagbabala ang Phivolcs sa publiko na maaaring maganap sa Kanlaon ang biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC), rockfall, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.

Kaya naman, ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.

Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.

Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang bulkan kasunod ng naging pagputok nito.

MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!