Inamin ng dancer-TV personality na si Sugar Mercado na nagkaroon sila ng pitong taong relasyon noon ni TV host-senatorial candidate Willie Revillame, sa panayam sa kaniya ni Ogie Diaz.
Pabiro pang hirit ni Sugar, hindi siya makaamin noon dahil hindi rin naman umaamin si Willie sa real score ng estado ng relasyon nila.
Isa sa mga naging original member ng Sex Bomb Girls noon sa Eat Bulaga sa GMA Network si Sugar at naging bahagi rin ng defunct show ni Willie na "Wowowin."
Makalipas ang ilang taon, kinumpirma na nga ni Sugar na nagkaroon sila ng relasyon ni Willie, at minahal daw niya nang sobra ang TV host, na kumakandidato sa pagkasenador.
"Ano ba talaga ang real status n'yo noon ni Willie Revillame?" diretsahang tanong ni Ogie. "Naging kayo ba for seven years?"
"Hindi po ako sure," natatawang sagot ni Sugar. "Hindi naman siya umamin eh!" pahabol pa niya habang tumatawa at nakipag-apiran pa sa host.
"Ang kapal naman ng mukha ko kung umamin ako tapos siya 'di naman umamin. Hindi naman ako sure. Baka mamaya nag-bonding lang kami."
"Paano mo sinasagot 'yon, gano'n lang?" pakli naman ni Ogie.
"Oo gano'n lang," natatawa pa ring sabi ni Sugar.
"Pero sa pagkakaalam mo, pitong taon kayo?" segunda pa ni Ogie.
"Oo," mabilis namang sagot ni Sugar.
Hindi raw makaamin si Sugar sa tunay nilang relasyon ni Willie dahil "kababae" niyang tao, hindi naman daw magandang sa kaniya magsisimula ang kumpirmasyon.
"Okay naman 'yon kasi alam mo naman siya, pribado siya masyado, and sabi ko nga never akong nagsisi sa lahat ng nangyari sa life ko, at aminado rin naman ako, minahal ko talaga 'yong tao nang sobra pa," pag-amin pa ni Sugar.
Nang tanungin kung naramdaman ba niyang naibalik sa kaniya ang pagmamahal niya sa TV host, "Oo naman. Lalo na 'yong dalawang anak ko. At hanggang ngayon, hindi na maaalis 'yon sa mga buhay ng mga anak ko, nasa puso na namin siya habambuhay."
Nilinaw naman ni Sugar na matagal na rin silang hindi nag-uusap at nagkikita ni Willie.
KAUGNAY NA BALITA: Sugar Mercado, binunyag naging relasyon nila ni Willie Revillame
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Willie tungkol sa mga naging rebelasyon ni Sugar. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.