Masayang ibinahagi ng aktres na si Cristine Reyes na engaged na sila ng kaniyang boyfriend na si Gio Tingson.
Sa social media post, ibinida ni Cristine na nasa Hongkong trip silang dalawa, at dito na nga naganap ang wedding proposal sa kaniya ni Gio.
"every timeline led here. endgame unlocked," mababasa sa caption ng post ni Cristine, kalakip ang mga larawan nila ng fiance.
Siyempre pa, marami sa mga netizen at kapwa celebrities ang nagpaabot ng pagbati para sa kanilang dalawa.
Para sa mga hindi nakakaalam, matagal nang magkakilala sina Cristine at Gio, dahil parang childhood sweetheart pala sila.
Ibinahagi ng aktres ang isang artikulo ng talent manager at showbiz news journalist na si Noel Ferrer, patungkol sa kung paano sila unang nagkakilala ni Gio, na isang political strategist.
Batay sa panayam at artikulong sinulat ni Ferrer, elementary days pa pala, magkakilala na sina Cristine at Gio. Guess what? Sa Marriage booth pa yata silang dalawa unang nagkatagpo, sa Ateneo fair days.
At sino namang mag-aakalang matapos ang maraming taon, muling magre-reconnect ang mga buhay nila, knowing na nagkaasawa na rin si Cristine [at junakis] pa, at ang huling nakarelasyon niya bago si Gio, ay ang aktor na si Marco Gumabao.
"The couple’s history dates back to their childhood days at Ateneo de Manila University, where they first met at a marriage booth — Gio in Grade 6 and Cristine in Grade 5. They later reconnected, and their relationship blossomed," mababasa sa artikulo ni Ferrer, na ibinahagi naman ni Cristine sa kaniyang Facebook post.
Ayon kay Gio, siya ang kunwaring "pari" sa marriage booth kung saan "ikinasal" sa iba si Cristine.
Unang lumutang ang tungkol sa dalawa noong Hunyo 2025.
Maki-Balita: 'Reconnected!' Magjowang Cristine Reyes, Gio Tingson nagkatagpo na pala noon sa marriage booth, elem pa sila
Sa ispluk noon ni Ogie Diaz sa kaniyang showbiz-oriented vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update," ang napabalitang bagong dine-date ni Cristine na tagasuporta ni Sen. Imee Marcos, ay political strategist naman ni Sen. Bam Aquino, na parehong nakapasok sa pagkasenador noong national and local elections (NLE).
Maki-Balita: Cristine Reyes may lovelife na raw ulit, konektado kay Bam Aquino?
Hanggang sa bandang Hulyo, tila nagpa-hard launch na si Cristine matapos niyang i-flex si Gio sa kaniyang Instagram account.
Hindi na bago kay Cristine ang pagpapakasal dahil ikinasal na siya noon kay mixed martial artist Ali Khatibi noong Pebrero 8, 2015, at nagkaroon ng isang anak na babae na si Amarah. Naghiwalay naman ang dalawa noong 2019.