Pinabulaanan ng komedyante-TV host na si Buboy Villar ang mga pasabog ng kaniyang dating karelasyong si Angillyn Gorens na siya umano ay nakaranas ng pananakit mula sa kaniya, kaya sila naghiwalay.
Sa eksklusibong panayam sa kaniya ng GMA showbiz news reporter na si Nelson Canlas na umere sa "24 Oras" noong Marso 27, 2025, mariing itinanggi ni Buboy ang mga paratang sa kaniya ng dating partner, na mababasa sa Facebook post ni Angillyn.
Aniya, hindi raw niya magagawa kay Angillyn ang manakit ng babae dahil alam niya ang pakiramdam nito, dahil sa pananakit ng kaniyang tatay sa nanay niya noon.
Na-settle na rin daw nila ang isyu patungkol naman sa sustento niya sa mga anak nila.
Lumutang ang mga alegasyon ni Anjillyn nang ipakilala sa publiko ni Buboy ang bagong partner na si Khrizza Mae "Isay" Sampiano at kanilang tatlong buwang gulang na anak.
Noong Marso 26, sa mahabang Facebook post ni Anjillyn, sinabi niyang nakaranas siya ng pananakit, pananakal, at pagmumura mula kay Buboy noong magkarelasyon pa lamang sila, at nilakipan pa niya ito ng mga "resibo" o screenshots.
"sinakal nya ko habang nagpapadede ng anak kong babae ng dahil nadedepress ako WALA AKONG KAIN UMIIYAK AKO," bahagi ng nakakalokang rebelasyon niya.
Sa pagpapatuloy pa, "NAG STAY PA RIN AKO ayokong lumake anak ko na may trauma ng dahil sa ama niya.. buntis ako kay george iniwan ko na siya dahil ayokong makita ng lalaki naming anak na pwedi manakit ng babae.."
"HABANG TUMATAGAL LUMALALA PAGIGING VIOLENT NIYA"
"masakit mang iwan siya pero kailangan kong gawin dahil baka mapatay nalang niya ako dati.. grabe siya magalit at mag inom.." bahagi pa ng pasabog ni Anjillyn.