Patay na nang matagpuan sa kanilang tahanan ang mag-asawang senior citizen sa Masbate matapos umano nilang mapagkamalang kape ang rat killer.
Ayon sa ulat ng Brigada noong Huwebes, Marso 27, 2025, tinatayang mahigit 24 oras na raw ang lumipas nang matagpuan ng anak ng mga biktima ang kanilang bangkay.
Sa kama narekober ang 79 taong gulang na misis habang sa upuan sa kanilang lamesa naman natagpuan ang bangkay na 80-anyos na mister.
Samantala, batay umano sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, wala raw silang nakikitang foul play sa pagkamatay ng mag-asawa. Natagpuan daw nila na ang rat killer ay katabi lang ng lalagyan ng kape, dahilan kung bakit posible raw na napagkamalan itong kape mga biktima.
Nakumpirma din umano sa isinagawang imbestigasyon na nakahalo ang naturang kemikal ng rat killer sa kapeng ininom ng mga biktima.