Patay ang isang lalaki na hinihinalang kabit matapos umanong tangkaing komprontahin ang legal na asawa ng jowa niya matapos siyang manlaban umano sa mga awtoridad sa Cebu City.
Ayon sa ulat ng Frontline tonight noong Huwebes, Marso 27, 2025, nauna raw sumugod ang lalaki dala ang isang baril sa bahay ng kaniyang jowa upang komprontahin ang umano’y legal husband nito. Agad namang nakatakas ang legal husband na mabilis daw nakahingi ng tulong sa mga barangay tanod.
Mabilis namang dumating ang Philippine National Police (PNP) Special Weapons and Tactics (SWAT) upang rumesponde. Doon na raw nanlaban ang biktima kung saan isang miyembro ng SWAT team ang umano’y nadaplisan ng bala sa mukha, dahilan upang paputukan siya ng mga pulis at tamaan ng bala sa dibdib.
“Hindi natin in-expect na ganoon pala ka-aggressive yung ating suspek, yung pagpapaputok doon sa atin ay nagresulta ng sugat doon sa ating SWAT personnel and luckily po nasa stable condition na po siya,” ani P/Col. Enrico Figueroa sa media.
Dead on the spot ang lalaki at dinala na raw sa pinakamalapit na funeraria sa lugar.