Isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ang nakaaapekto sa Visayas at malaking bahagi ng Mindanao ngayong Huwebes, Marso 27, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa ulat ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, inihayag ni Weather Specialist Chenel Dominguez na huling namataan ang naturang LPA 220 kilometro ang layo sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Nananatili namang mababa ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA.
Gayunpaman, inaasahang magdudulot ang LPA ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.