March 31, 2025

Home SPORTS

19-anyos na Pinay tennis player, umariba sa Miami Open; pinataob world's no. 2

19-anyos na Pinay tennis player, umariba sa Miami Open; pinataob world's no. 2
Photo courtesy: Manila Bulletin/Facebook

Pinataob ng 19 taong gulang na Pinay tennis player na si Alex Eala ang 5-time grand slam champion na si Iga Swiatek upang makapasok sa semi-finals ng Miami Open.

Si Eala ay kasalukuyang nasa 140 ng world ranking nang tuldukan niya ang kampanya ni Swiatek na World's No. 2 sa loob ng dalawang set (6-2, 7-5) sa quarter finals nitong Huwebes ng umaga, Marso 27, 2025 (oras sa Pilipinas).

Bago umarangkada sa semi-finals ng torneo, nauna na ring idomina ni Eala ang panalo laban sa ilan pang world champions na sina Jelena Ostapenko na dating French Open Champion at world No. 25 at reigning Australian champion at world No. 5 na si Madison Keys. 

Sa panayam ng media kay Eala, sinabi niyang hindi pa rin umano siya makapaniwala sa pag-arangkada sa nasabing torneo.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

"I'm in complete disbelief right now. I'm on cloud nine. So thank you everybody who came to watch, and thanks to everyone who's watching from home," ani Eala. 

Nakatakdang harapin ni Eala ang mananalo mula sa quarterfinals match-up nina Emma Raducana at world No. 4 Jessica Pegula.

Samantala, matapos ang matagumpay niyang stint at pagkapanalo kontra Swiatek, tatalon sa no.75 ang world ranking ni Eala.