Tila kakaibang magnanakaw daw ang dumali sa isang taxi driver mula sa Talisay, Cebu matapos umanong mag-sorry muna ang holdaper bago siya pagnakawan.
Ayon sa ulat ng Frontline Pilipinas noong Martes, Marso 25, nakuhanan ng dashcam ng naturang taxi ang panghoholdap ng suspek sa biktima kung saan natangayan siya ng kabuoang ₱1,500 mula sa kinita sa pamamasada.
Batay naman sa salaysay ng biktima, nagawa pa raw ng suspek na humingi ng tawad sa kaniya habang nakatutok ang baril at kinuha ang pera niya.
“Ibigay mo sa akin ang pera, bossing. Sorry, boss, pera lang ang akin kung ‘di mo gusto mamatay,” anang suspek.
Takot naman umano para sa kaniyang pamilya ang naramdaman ng biktima matapos siyang tutukan ng baril.
“Di naman biro-biro yung baril. Tinututok sa’yo eh. Kasi meron akong mga anak, kasi maliit pa,” anang biktima sa panayam ng media.
Samantala, tinutugis na ng mga awtroidad ang suspek na posible umanong maharap sa kasong robbery.