March 29, 2025

Home BALITA Eleksyon

Comelec, kinumpirma pagpatay sa election officer sa Maguindanao

Comelec, kinumpirma pagpatay sa election officer sa Maguindanao
Comelec Chairman George Garcia (MB photo)

Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang pagpatay sa isang election officer at asawa nito sa Maguindanao nitong Miyekules, Marso 26.

Matatandaang tinambangan at pinagbabaril ang dalawang biktima sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules ng umaga.

BASAHIN: Babaeng election officer at mister nito, tinambangan at pinagbabaril sa Maguindanao

Kaugnay nito, inirekomenda ni Garcia na maisailalim sa kontrol ng poll body ang bayan ng Datu Odin Sinsuat kasunod ng insidente. 

Eleksyon

Pangilinan, nagpasalamat sa ‘tiwala at suporta’ nina SP Chiz, Sorsogon Gov. Hamor

“Isang napakalungkot na nangyari ang pagpaslang sa aming election officer sa Datu Odin Sinsuat, si Mrs. Maceda Lidasan-Abo na kasama ang kaniyang asawa na nagda-drive ng sasakyan.  Sila po ay tinambangan kani-kanina lamang ngayong umaga. Kaya ako mismo ay magre-recommend sa Commission en banc na ang  Datu Odin Sinsuat ay ilagay sa Comelec control,” ani Garcia. 

Dagdag pa niya, hindi ito ang unang pagkakataong may nangyaring karahasan sa naturang lugar dahil may ilang karahasan na ring nangyari nitong mga nakaraang linggo at buwan doon.

“Kasi may mga ilan nang karahasan ang nangyari nitong mga nakaraang linggo at buwan diyan sa lugar na ‘yan kaya nararapat lang na mailagay sa Comelec control,” dagdag pa ng poll chief.

Aniya, nang magtungo sila sa lugar noong Marso 18, 2025 ay may dalawa na ring nasawi sa naturang lugar, kabilang ang isang abogado ng isang kandidato at kaniyang fiancé.

“Ngayon naman, election officer namin at ang kaniyang asawa. Siguro naman, kahit sino ang tumimbang nito, nararapat lang na ilagay sa Comelec control ang area na yan,” aniya pa.

Pagtiyak pa ni Garcia, “Sinasabi namin, huwag na huwag pong sasaktan at tatakutin ang mga empleyado ng Comelec at ang mga botante dahil hindi po papayag ang Comelec sa ganiyang bagay.”