March 26, 2025

Home BALITA National

Malacañang, nagsalita tungkol sa bantang 'zero remittance' ng OFWs dahil kay FPRRD

Malacañang, nagsalita tungkol sa bantang 'zero remittance' ng OFWs dahil kay FPRRD
Photo courtesy: ICC/Pixabay/Screenshot from RTVM

May mensahe ang Malacañang sa Overseas Filipino Workers (OFW) na tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nagbabalak umanong magsagawa ng "zero remittance" o hindi pagpapadala ng kinitang pera sa pamilya sa Pilipinas, bilang protesta sa pagkakaaresto ng International Criminal Court (ICC) sa dating pangulo, sa kasong "crimes against humanity."

Sa isinagawang press briefing ng Palasyo, pinakalma ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang mga Duterte supporter na OFW na huwag makisangkot sa balak na ito dahil tiyak na makakaapekto sa ekonomiya ng bansa at sa mga pamilya nila.

"Of course, mas gugustuhin po natin na maging mahinahon ang bawat Pilipino sa ganitong klaseng isyu. Sana po ay malaman din po nila na ang pamahalaan at ang gobyerno ay tumutupad lamang sa ating batas," anang Usec Castro.

"At may mga Pilipino rin naman po na nagreklamo, nag-file ng complaint laban sa dating Pangulong Duterte, sana ay maging patas din po sila sa kanilang pananaw para po maibsan ang anumang puwedeng kahinatnan ng kanilang gagawin,” aniya pa.

National

Honeylet Avanceña, Kitty Duterte nasa The Hague na

“Pero siyempre po, kung hindi po sila magkakaroon at hindi sila magri-remit ng kanilang mga maaaring ipadala sa mga pamilya nila, hindi lamang po gobyerno ang maaapektuhan, pati ang kanilang mga pamilya. So, sana po ay maging mahinahon tayo sa ganitong mga klaseng issues," dagdag pa niya.

Ayon sa ulat, nagbabalak umano ang ilang mga grupo ng OFW, gaya ng grupong Maisug Croatia sa Europa na magkaroon ng isang linggong remittance stoppage dahil pa rin sa pagkakakulong ngayon ng dating pangulo sa ICC na nasa The Hague, Netherlands.

Tatawagin itong "OFW Zero Remittance Week."

Magsisimula umano sa Marso 28, 2025, kasabay ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Duterte, at magtatapos sa Abril 4.