March 26, 2025

Home BALITA Metro

Atty. Abante sa hiwalayang Honey-Isko: ‘Hindi si mayora ang nagtaksil!’

Atty. Abante sa hiwalayang Honey-Isko: ‘Hindi si mayora ang nagtaksil!’
Atty. Princess Abante (Photo: MJ Salcedo/BALITA)

“Paano mo aayusin ang isang bagay na hindi naman ikaw ang sumira…”

Iginiit ng tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna na si Atty. Princess Abante na hindi raw ang kasalukuyang alkalde ang dapat mag-ayos sa hiwalayan nila ni dating Manila Mayor Isko Moreno, dahil hindi naman daw siya ang “nagtaksil.”

Sa isinagawang Machra's Balitaan sa Harbor View nitong Martes, Marso 25, tinanong si Abante, na nagsisilbi ring hepe ng Manila Public Information Office (MPIO), kung sa palagay niya ay kaya pang maibalik ni Lacuna ang dating magandang samahan nila ni Moreno.

“Hindi naman si Mayor (Lacuna) ang nagtaksil ah. So bakit kami ang tatanungin kung kami ang mag-aayos, ‘di ba? So I think yung tungkol doon, hindi ko ‘yan masasagot eh. Kasi paano mo aayusin ang isang bagay na hindi naman ikaw ang sumira? It was never the intention of the mayor to break any relationships,” sagot ni Abante.

Metro

Lalaki tumilapon nang mabangga ng sasakyan

“So, wala kay mayor ang problema. Hindi siya ang problema dito. Hindi siya ang problema. Both personal and political ah. Kasi dalawang aspeto ‘yan eh,” dagdag niya.

Ayon pa sa tagapagsalita ng mayora, uso naman daw sa kasalukuyan ang hiwalayan sa politika at bahagi raw ito ng demokrasya ng Pilipinas.

“Nangyayari ‘yan, at ang mga paghihiwalay at pagsasama-sama, nangyayari rin ‘yan. Hindi ko masasagot ‘yan dahil hindi naman din nakasalalay sa amin ang pag-aayos niyan. Doon sa personal, hindi ko rin masasagot ‘yan dahil, again, hindi naman si Mayor ang nagtaksil,” aniya.

Sinabi rin ni Abante na “never” umanong kinonsulta ni Moreno ang kanilang partidong Asenso Manileño nang magdesisyon siyang labanan si Lacuna bilang mayor ng Maynila sa darating na 2025 midterm elections, kahit nang tumakbo raw siyang presidente ng bansa noong 2022.

“Never pong kinonsulta ng dating mayor ang partido kahit noong panahong tumakbo siya bilang presidente. Hindi niya kami kinonsulta noong tumakbo siya bilang presidente, definitely hindi niya rin kami kinonsulta noong nagdesisyon siya na lalaban siya kay Mayor Honey,” giit ni Abante.

Matatandaang noong 2019 nang tumakbo sina Moreno at Lacuna bilang running mates sa pagka-mayor at vice mayor ng Maynila, ayon sa pagkakabanggit, kung saan pareho silang nanalo. Taong 2022 naman nang tumakbo bilang pangulo ng bansa si Moreno at pinili niya si Lacuna bilang kaniyang successor sa pagiging alkalde ng siyudad.

Sa kasalukuyan ay magkatunggali sina Lacuna at Moreno sa pagka-alkalde ng Maynila, kung saan tumatakbo ang una sa ilalim ng partidong Asenso Manileño habang ang huli naman ay sa ilalim ng Aksyon Demokratiko.

Kaugnay nito, sinabi kamakailan ni Lacuna na pakiramdam daw niya ay “na-betray” siya nang kumpirmahin ni Moreno na tatakbo rin itong bilang alkalde ng lungsod.

Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.